Event: Araw ng Tayabas 2022 (Trese de Agosto 2022)
Location : Basilika Minor ni San Miguel de Arkanghel at Casa
Comunidad de Tayabas
Date : August
13, 2022
PAGDIRIWANG NG ARAW NG TAYABAS 2022
Ang
araw ng Tayabas ay ginugunita tuwing ika-13 ng Agosto upang alalahanin ang
kalayaan ng Tayabas sa laban sa kamay ng mga Espanyol. Ang programang ito ay
pinangunahan ng CHPO sa pamumuno ni G. Koko Pataunia at katulong nila sa
pagsasaayos ng daloy ang mga miyembro ng OST Tayabas Heritage Group Inc. at iba
nilang OJT na estudyante ng SLSU.
Ang unang bahagi ng programa ay sinimulan sa Banal na Misa sa
Basilka ni San Miguel Arkanghel sa pangunguna ni Msgr. Dennis Imperial. Dumalo
sa misa ang mahal na ina ng siyudad ng Tayabas na si Mayora Ernida Agpi Reynoso
at sina Vice Mayor Lovely Reynoso-Pontioso kasama ang kanyang asawa na si SK
Chairman Art Tristan Pontioso, maging ang Bise Gobernador ng Quezon na si
Anacleto "Third" Alcala ay naroon din. Kasama rin ang mga konsehal ng
bayan, PNP, BFP, Knights of Columbus, Seniors, School Heads, at iba pang mga
tao na dumalo sa misa.
Nagtipon
tipon naman ang mga tao sa harap ng simbahan na bahagi ng ikalawang
programa. Nang maglabasan na ang tao sa
simbahan ay pinangunahan ng tagapagpadaloy ng programa na si G. Patrick Paceos
ang pagsasalita. Masigla nyang binati ng isang magandang umaga ang mga dumalo
sa programa na sinundan ng pagmamartsa sa patio. Nanguna sa pagmartsa ang banda
musiko ng Southern Luzon State University na sinundan ng SLSU Reservist dala
ang mga rebulusyunaryong bandila at watawat ng Pilipinas. Sa pag mamartsa ay
sabay sabay na binanggit ng mga tao ang "Viva Independencia! Viva San
Miguel! Viva Miguel Malvar!" Nang makarating sa pwesto ang mga nagmartsa
ay sinimulan ng awitin ang Pambansang Awit ng Pilipinas na Lupang Hinirang
kasabay ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas na pinangunahan ni Mayora Ernida
Reynoso at mga pulis. Sinundan ito ng pag awit ng Lalawigan ng Quezon at Himno
ng Tayabas.
Nagpabatid ng pagbati at maikling pagbabalik tanaw sa nakaraan ang
tagapagpadaloy. Para sa pambungad na mensahe ay tinawag nya si G. Koko Pataunia
upang magpahayag. Sumunod na tinawag si VM Lovely Reynoso-Pontioso na
pangalawang nagbigay ng mensahe. Malugod at marangal nyang tinawag ang Punong
Lungsod na si Mayora Ernida Agpi Reynoso para magbigay ng kanyang mensahe.
Tinugtog naman ng Kaelika ang "Ang Kasaysayan" na isinulat ni
kataas-taasang suprema Salud F. Nuevo. Matapos ito ay nagpasalamat si Patrick
Paceos sa pag awit ni Bb. Rizel Soriano at pagtugtog ni G. R. Javen. Hindi man
makakarating sa selebrasyon ang Gobernadora ng Quezon na si Gov. Helen Tan ay
nakadalo naman ang Bise Gobernador na si Third Alcala na nagpabatid rin ng
kanyang makabuluhang mensahe sa harap ng mga dumalo at nakiisa sa programa.
Tinapos ang ikalawang bahagi ng programa sa pag awit ng Trese de Agosto at
Pilipinas Kong Mahal na itinanghal ng Magnificat Chorale.
Ang
ikatlong bahagi naman ng programa ay nagsimula sa pagmamartsa ng mga dumalo
mula simbahan hanggang sa ikalawang palapag ng Casa Comunidad de Tayabas.
Bumungad sa pag-akyat ng mga dumalo ang sining ng mga kabataang Tayabasin buhat
sa Aninag at ang magandang tugtog ng mahuhusay na banda mula sa Division of
Tayabas City Rondalla sa patnubay ni G. Ryan Chester Manzanares. Matapos
makarating sa taas ang lahat ay pinahay na rin ang mga panauhin upang makakuha
ng masarap na pagkaing Tayabasin gaya ng pansit, budin, nilupak, ice cream at
iba pa. Habang nagmemeryenda ang lahat ay sinabayan ito ng awitin mula sa
kwerdas ng Tayabas na nagbigay sigla at aliw sa lahat. Nagkaroon din photo
opportunity para sa lahat ng dumalo kasama ang mga magigiting na pinuno ng
bayan.
Matapos ang programa ay taos pusong nagpasalamat ang buong opisina
ng Cultural Heritage Preservation Office sa lahat ng taong naging parte ng
ika-124 na taon ng pagdiriwang ng kalayaan ng Tayabas.