Ang Lawa ng Dagatan
Isang
paglalakbay papunta sa Lawa ng Dagatan ang inorganisa ng Oplan Sagip Tulay
nitong Agosto 20 at ito ay dinaluhan ng ilang mga empleyado ng lokal na
pamahalaan gayundin ng ilang mga volunteers.
Ang Lawa ng
Dagatan ay matatagpuan sa pusod ng kagubatan ng Barangay Ibabang Palale,
Lungsod ng Tayabas. Kung lalakarin ng balikan mula sa boundary ng Barangay
Liwayway sa bayan ng Mauban ito ay tinatayang aabot sa humigit-kumulang
labing-limang kilometro at maaring tumagal ng anim hanggang sampung oras na
paglalakad.
Hindi biro
ang lakarin para makarating sa Dagatan. May ilog at mga sapa na kailangang
daanan gayundin ang mga taas at babang mga burol at ang maputik na lupa sa
panahon na medyo o katatapos lang ng ulan.
Maraming
magagandang tanawin ang makikita sa daraanan kung saan ay may mga nakatalaga
ring lugar na maaaring pagpapahingahan ng mga manlalakbay. Ang isa pang
atraksyon bago sumapit sa Dagatan ay ang isang malaki at matandang puno na may
napakalaking butas sa katawan nito ngunit nananatili pa ring buhay hanggang sa
kasalukuyan.
Bagaman at may kahirapan ang
paglalakbay papuntang Lawa ng Dagatan ay sobrang sulit naman ang lahat ng pagod
sa oras na kaharap mo na ang mahiwagang Lawa ng Dagatan. Ayon sa mga taga-roon
ay kailangang mag-paalam sa mga “naninirahan” sa lawa sa tuwing bibisita dito.
Lubhang nakakamanghang isipin kung
paano nga ba nagkaroon ng lawa sa mataas na bahagi na ito ng kabundukan at
hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring makapagsabi kung saan nga ba nagmumula
ang tubig sa Lawa ng Dagatan. Nananatiling misteryo ang hiwaga ng pinagmumulan
ng Dagatan Lake.
Sa kasalukuyan ay dinarayo na rin
ito ng mangilan-ngilang mga banyagang turista at gayundin ng ilang mga
mag-aaral para sa kanilang mga research at proyekto.
Kung magagawan lamang ng kalsada o
pathway ay malaking tulong na upang mas lalong maakit ang mga turista na
dayuhin ang Lawa ng Dagatan.
Iminumungkahi lamang na iwasan ang
mag-ingay ng husto at panatilihing malinis ang paligid at wag mag-iiwan ng
kalat kapag bumisita sa lawa. Tulad nga sabi sa isang kasabihan:
“Take nothing but pictures,
Leave nothing but footprints,
Kill nothing but time.”
Nagpapasalamat nga pala ang OST kay Kapitan Emilio Naynes ng
Barangay Ibabang Palale gayundin sa mga Barangay Tanod na sina Gelacio Jasolin
Jr., Pedrito Caagbay at Gregorio Datos na nagsilbing mga guide sa pagpunta sa
Dagatan Lake.
No comments:
Post a Comment