Ang ritwal ng Santakrusan o Awit sa Dalit ay isinasagawa tuwing buwan ng
Mayo taon-taon sa ibat-ibang linang sa bayan ng Tayabas. Ito ay paawit na
isinasalaysay ang kwento ng paghahanap ni Santa Elena at ng kanyang anak na si
Contantino sa Krus na kinamatayan ni Hesus. Sinisimulan ang ritwal tuwing ika-3
ng Mayo sa bahay ng kabisilya at magtatapos tuwing ika-huling biyernes ng
nasabing buwan, ang huling gabi ay tinatawag na Celebra (salitang espanyol na ibig sabihin ay ipagdiwang).
Nitong Mayo 28, 2021,
biyernes, huling araw ng Santakrusan sa Brgy. Ibabang Palale ay dumalo ang
grupo ng OST-Tayabas Heritage Group Inc. upang masaksihan at makiisa sa
isinasagawang ritwal ng Santakrusan sa lugar. Ang ritwal na ito o ang Celebra
ay sinimulan ng araw na iyon sa ganap na ika-3 ng hapon at natapos ng ika-5 ng
umaga ng sumunod na araw, Mayo 29, 2021. Nagsimula ito sa unang balwarte na
gawa sa kawayan, may mga pinta ng kurus, santo at santa, sa kalye patungong
kapilya ng Our Lady of Visitation Parish,Brgy. Ibabang Palale. Ang disenyo nito
ay iwinangis sa kapilya. Pinamunuan ni Gng. Tomasa Llaneta (Aling Toma) ang awit at pagtugtog naman kay G. Isabelo Cabuyao (Mang Beloy) gamit ang kaniyang gitara.
Ang libro ng Celebra ay naglalaman
ng sampung bahagi na siyang isinasalaysay ng paawit sa buong ritwal. Pupunuan
ito sa emprenta ng libro o ang pinagmulan ng kwento na isasalaysay (history).
Ang mga nagsidalo sa Celebra ay paawit na tutugon sa poga na ituturan ng
namumuno, ang mga tinutugon ay magmumula sa emprentang libro na kanilang hawak.
Sunod dito ay ang Susi ng libro, kwento
ng susing pinanday upang mabuksan ang mahiwagang librong nakita sa kabundukan.
Sunod naman ay ang Binyag sa Roma, tungkol ito sa pagbibinyag ng mga Obispo sa
boong Emperio ng Roma at talambuhay ni Santa Elena at pagsilang ng kaniyang
anak na si Constantino. Ang ika-apat na bahagi ay ang Celebra de Puerto 3
Balwarte, sa bahaging ito lumilipat na ang mga nagsisispagdalit sa pangalawang
balwarte, ang ikalawang barwarte ay isinunod naman sa disenyo ng kumbento na
katabi ng kapilya. Sunod ay ang pagpuri sa tatlong balon, dito’y dinadasalan
nila ang mga balon na umaapaw sa dami ng tubig. Sa aktuwal na awit sa dalit ang
magsisilbing balon na siyang dadasalan ay ang mga batangan sa harapan ng
kumbento. Ang kasunod nito ay ang Verso Capitolo, ang wika ng Reynang Mahal
kung saan ay iniutos ng reyna na pagalingin ang matandang pipi. Ang ika-pitong
bahagi ay ang pagtitibag at puri sa Tatlong Crus at ang pagsayaw ng Harigading.
Ang bahaging ito ay isinasalaysay ang pagkakita ng kurus na kinamatyan ni Hesus
na nasa ilalim ng kinatitirikan ng simbahan, ito’y dinasalan at sila’y
nagdiwang at nagpapuri sa pagkakita ng krus sa pamamagitan ng pagsayaw ng buong
galang sa harapan ng krus. Ang pagsasayaw na ito ay sinasabayan ng awiting
harigading habang umiindak ang kanilang mga paa at sinasabayan ng kumpas ng
kanilang mga sambalilo. Ang sumunod naman dito ay ang pagbubukas ng Cortina o
ang pagdadala ng krus na namataan pababa sa kabundukan upang dalhin sa
kabayanan. Ika-9 na bahagi ay ang pag-aatang at pag-iestasyon, ang bahaging ito
ay nagsasalaysay sa pag-aatang sa kurus upang ilibot sa kabahayan, dasalan at
papurihan ng mga Santo at Santa. Ang huling bahagi ay ang pagpupundar,
pagtatayo ng Ermitang paglalagyan ng krus na kinamatayan ni Hesus. Ang huling
bahagi ng ritwal ay nakalipat na sa loob ng simbahan ng Our Lady of Visitation
Parish, natapos ito ng bandang ala-5 ng umaga.
Sa pagtatapos ng ritwal
hindi alintana ng mga nagsidalo ang puyat at pagod, pagkalabas ng simbahan ang
mga ito ay masigla at muli pang nagsayaw ng Harigading tanda ng pasasalamat sa
mga biyayang ibinigay ng maykapal at kanilang tinatamasa mula noon hanggang sa
kasalukuyan.
No comments:
Post a Comment