Monday, October 12, 2020

Opisyal na pahayag ng OST Tayabas Heritage Group Inc. hinggil sa iba’t ibang isyung patungkol sa yamang kultural ng Tayabas

 

OST - TAYABAS HERITAGE GROUP INCORPORATED

SEC Registration No. CN201908940

Local Accreditation – SP Resolution No. 19-123

#48 Sumilang Subdivision, Barangay Mateuna,

City of Tayabas

 

Opisyal na Pahayag

Opisyal na pahayag ng OST Tayabas Heritage Group Inc. hinggil sa iba’t ibang isyung patungkol sa yamang kultural ng Tayabas

Kaisa niyo kami sa patuloy na pag-iingat, pangangalaga at pagpapanatili ng ating mga Yamang Kultural ng Tayabas. Ikinalulungkot din naming ang kinahinatnan ng Puente de Baguio sa bahagi ng Barangay Baguio, Lungsod ng Tayabas na sa ngayon ay di na makikita  ang ibabang bahagi ng naturang tulay ngunit pasalamat parin tayo dahil naisalba ang ilayang bahagi ng tulay kung saan makikita padin ang arko ng lumang tulay.

Kami po sa organisasyon, ay naniniwalang ibinigay naming ang aming makakaya upang maisalba ang mga ito kagaya ng ginawa naming pakikipag negosasyon sa mga tulay ng Gibanga at Prinsesa kung saan naiparating natin ang pagtutol hanggang sa tanggapan ni G. Mark Villar, Secretary ng DPWH. Katuwang po natin dito ang ibat ibang organisasyon at ahensya upang kahit papaano ay may matira pa sa mga pamana istruktura. Sa bahagi ng Puente de Mate at Puente De Isabel naman ay isa tayo sa nagpatupad ng load limitation at ang pagpapabantay sa mga tulay na ito upang mapatagal pa ang buhay nito.

Patungkol sa Tulay ng Malaoa o Puente de Isabel II, may nauna napo kaming impormasyon na parallel bridge at ilalayo po ito sa lumang tulay, ito ay bunga ng aming pangungulit at liham patungkol sa paglalaan ng pondo upang maipagawa na ang panibagong tulay at hindi ipapatong o ididikit sa mismong lumang Tulay. Ito po ay sama-sama nating antabayan kung tutupad po sila sa napag-usapan.

Sa isyu po ng ating pampublikong sementeryo, nakausap po mismo ang OIC-Officer (sa katauhan ni Bb. Jerdylen Tabi) ng ating sementeryo at ayon sa kaniya ay ang pagtatanggal ng mga nitso ay dahilan sa desisyon ng mga mismong kaanak nito at inililipat sa pampribadong sementeryo. Hinihintay pa po namin ang deklarasyon ng Pambansang Museo na magpapatotoo hinggil sa unang napaulat na ito ay isa ng National Cultural Treasure. Sa pagkakataong ito ay mas madali natin itong maiisaayos at mapapangalagaan. Alam po ito ng ating mga kasamahan sa Pamana na kung Heritage Act of 2009 o local na ordinansa lang ang ating kakapitan ay di ito sapat upang mapigilan ang sino mang may masamang pagtatangka o ahensyang may planong sirain ito. Sa pamamagitan ng isang deklarado ng pambansang ahensya ay makukuha natin ang atensyon nila at makakatuwang sa bawat laban para sa Pamana. Sinusuportahan po natin dito si G. Ryan Palad at ang grupo ng ATAGAN bilang ating pangunahin at tinitingalang samahan sa mga aksyon at pagpupursigi na maipadeklare ang iba pang natitirang yamang kultural kagaya ng ating mga krus na bato, simbahan at mga lumang gusali at maliliit na tulay kagaya ng Puente de Baguio.

Ipinapayo po naming na sana ay magkaroon ng isang totoo at aktibong komitiba o samahan mula sa bahagi ng mga kasamahan natin sa Heritage at Historical groups,  representante mula sa local na pamahalaan ng Tayabas, representante mula sa DPWH District 1, representate mula sa Lokal na Tanggapan ng Engineering at Building Official na siyang tututok mula palang sa impormasyon mula sa paglalaan ng pondo na maaapektuhan ang mga yamang kultural ng Tayabas.  Kung saan una palang ay maiitama na ang plano at ang pondo na naaayon sa pangangalaga ng mga ito. Sa bahagi ng mga lumang bahay na naisama namin sa aming ginawang Cultural Mapping ay magkaroon ang mga ito ng isang samahan kung saan may mga representante at namumuno upang maiparating sa ating local na pamahalaan ang mapagkakasunduan upang mapanatili nila at mapanatili ang mga ito. Siguro ay maihalintulad natin ang Sistema sa bahagi ng Bayan ng Pili, Laguna, Bayan ng Taal, Batangas, Lungsod ng Vigan kung saan kung may mga pagbabagong gagawin at pagsasaayos ay nangangailangan muna ng pahintulot sa local na pamahalaan para maiwasan ang bigla nalang pagkasira. Bilang ganti ay dapat naman sigurong mabigyan ng ibat-ibang insentibo o prebilihiyo bilang pabuya at pakikibahagi sa kanilang ambag upang mapanatili ang mga strukturang ito. Diko alam kung paano ito maiisakatuparan ngunit sa tulong niyo, sa tulong ng ating mga ginagalang na sanggunian ay atin itong makakamtam. Mahalaga din siguro maiparating sa mga nagmamay-ari ng mga lumang struktura na ito ang kahalagahan nito sa ating lipunan, dahil sa tingin po naming ay kulang lang sila sa impormasyon. Karamihan sa kanila walang panggastos sa pangpapaayos na kagaya ng luma dahil sa panahon ngayon mas magastos pa ang magrestore  kaysa magtayo ng bagong istruktura.

 

Hindi po tayo magkakalaban dito, iisa po ang ating hangarin at adhikain kung kaya’t hinihiling kopo sa inyo lahat ang panawagan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang maisakatuparan po natin ang ating misyon at bisyon bilang isang tunay na Heritage Advocates’. Kaisa niyo po kami sa inyong adbokasiya.

 

Maraming Salamat Kapamana!!!









No comments:

Post a Comment