Tuwing sasapit ang buwan ng Mayo, malinaw sa bawat Palalehin ito ay panahon ng Santacruzan. Ang Santacruzan, ito ay hindi magagandang dilag at hindi naglalakihang karosa ang pumaparada o nagpoprusisyon bagkus ang makikita ay ang mga taong umaawit ng katutubong awit papuri at sayaw sa harapan ng krus na bato
Tuwing sasapit ang dapithapon
sa lugar na ito. Ang gawaing ito ay pinasisimulan tuwing ikatlong araw ng buwan
ng Mayo.
Para nga sa iba ay hindi buo
ang buwang ito kung hindi maipagdiriwang ang nakagisnang tradisyong ito sa
Palale. Ang ganitong gawain ay nagsimula pa noong taong 1890 ayon sa salaysay
ng ilan sa mga apo ng mamanata sa Santacruzan. Ang gawaing ito ay itinuro ng
Pamilya nina Blas Sumilang at Rufino Cabuyao sa mga naninirahan sa Barangay
Ibabang Palale at magpahangang ngayon ang gawing ito ay nagpapatuloy. Sang-ayon
sa tala ng kasaysayan, sina Blas Sumilang at Rufino Cabuyao ay magkaibigan na
may parehong layunin at debosyon sa Santacruzan. Sinasabi na si Blas Sumilang
ang kauna-unahang nanirahan sa Ibabang Palale sa bahagi na kung tawagin ay
Sitio Bigtas samantalang ang pamilya naman ni Rufino Cabuyao ang may
pinakamalaking bahagi ng lupain sa Sitio Parang ang lugar na ngayon ay naging
sentro ng pamayanan ng barangay kung saan nakatayo ang simbahan ng Parokya ng
Mahal na Birhen ng Pagdalaw. Si Blas Sumilang ang kinikilalang tagapagtatag at
pangunahing lider nang barangay noon ng ito’y natatag taong 1901 na naging
Punongbayan noong taong 1912 hanggang 1913.
Base sa salaysayin ang mga
kilalalang umaawit sa krus o tinatawag na mananantacruz noon sa Ibabang Palale
ay sina: Ang mag-asawang Protacio Naynes
(1919-2003) at Santa Naynes, Sabiano Reyes (1925) Silvestre Padua at Vitaliana
Padua, Cayetano Raca at Saturnina Raca, Roberta Cabalsa, Irene Caagbay
(1910-1961) Victorino Morena, Fortunato Baasis at Eduvigis N. Baasis (1919
-2019), Leopoldo Jalla, Lourdes Oabel, Sisenando Cabile, Albina Cabalsa, Celia
Saberola, Barbara Baasis (1924-2019) at Elena Raca (1931-2016). Ang orihinal na
lumilibot ay ang mga matatanda at nagsasama sila ng mga bata upang sila ang
pumuga o tumugon sa bawat awit sa Santacruzan.
Matapos ang ikawalong
digmaaang pandaigdig ay mas higit na naging aktibo ang gawaing Santacruzan
bilang pasasalamat sa Panginoon dahil sa kabila ng digmaan ay walang gaanong
pinsalang naganap at walang masyadong dugong dumanak sa Palale.
Sa panahong ito Ipinasa ang
gawain sa mga kabataan upang silang manguna sa Santacruzan at pag awit sa
harapan ng banal na krus. Naging masaya ang pagdiriwang sapagkat marami ang
dumadalo upang makiisa sa selebrahan.
Subalit hindi rin nagtagal ang
pamumuno at gawaing ito ng mga kabataan dahil napansin ng mga nakakatanda na
hindi ganap ang pagkaunawa ng mga kabataan sa ritwal ng Santacruzan na para sa
mga ito ay isang laro lamang at hindi isang uri ng sakripisyo at pagpupuri kay
Kristo na ipinako at namatay sa krus. Dahil sa takot na ito ay masalaula o
mawala ang pagkasagrado ng gawain binawi nila ang pamumuno ng paglibot sa mga
kabataan. Buhat noon ay ang mga matatanda na ang nanguna sa paglibot tuwing
buwan ng Mayo hanggang sa kasalukuyan subalit nananatiling mga kabataan ang
naghahanda sa pagdiriwang ng Celebra bilang mga Cebecilla katuwang nila ang mga
Hermano at Hermana ng Santacruzan.
Magpahanggang ngayon ay tuloy
parin ang ginagawang pag-awit sa harapan ng krus sa mga tahanan at ang mga
umaawit dito ay masasabing nasa ikaapat na henerasyon na. Hindi na sa harapan
ng krus na bato umaawit bagkus sa mga kawayan o kahoy na krus na inilalagay sa
mga bakuran o bunsuran ng bahay. Patuloy pa rin na isinasagawa ang Celebra
kahit na nga sa panahon ng pandemya ipinagdiwang sa simpleng paraan sapagkat
ayon sa namamanata ito ay kanilang panalangin ng pasasalamat dahil sa kabila ng
pandemya ay patuloy na binibiyayaan ng Panginoon ang barangay, ang kanilang
panalangin ay patuloy na iniingatan sa anumang salot at sakit ang Palale
katulad ng nakagisnang dahilan kung bakit sila ay lumilibot at nananantacruz.