Miguel Malvar | Setyembre 27, 1865 - Oktubre 13, 1911
Si Miguel Malvar y Carpio ay isang Pilipinong heneral na naglingkod noong himagsikan laban sa mga Kastila at kalaunan ay sa digmaang Pilipino-Amerikano. Ginampanan niya ang pamamahala ng himagsikang sandatahan ng Pilipinas noong huling bahagi ng sigalot pagkatapos madakip si Emilio Aguinaldo ng mga Amerikano noong 1901. Ayon sa ilang mga mananalaysay, maaaring itala bilang isa sa mga pangulo ng Pilipinas si Heneral Miguel Malvar subalit hindi ito kinikilala ng pamahalaan ng Pilipinas.
Ipinanganak si Malvar noong Setyembre 27, 1865, sa San Miguel, isang baryo sa Santo Tomas, Batangas, nina Maximo Malvar at Tiburcia Carpio. Hindi lamang tanyag ang mag-anak na Malvar sa kanilang bayan dahil sa kanilang yaman subalit pati sa kanilang pagkamapagkaloob at kasipagan. Unang nag-aral si Malvar sa paaralang bayan ng Santo Tomas. Kinalaunan, pumasok siya sa isang pribadong paaralan na pinamamahalaan ni Padre Valerio Malabanan sa Tanauan, Batangas, isang tanyag na institusyon pang-edukasyon sa Batangas noong mga panahong iyon, at kung saan naging kamag-aral niya ang kapwa rebolusyonaryo na si Apolinario Mabini. Lumaon lumipat siya sa isa pang paaralan sa Bauan, Batangas, at pagkatapos noon ay napagpasiyahan niya na huwag nang ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo sa Maynila, at pinili na lamang na maging isang magsasaka. BIlang kapalit, tinulungan niya ang kanyang higit na masipag mag-aral na kapatid na lalaki, si Potenciano, na makapag-aral ng medisina sa Espanya. Kinalaunan, nahalalal siya bilang capitan municipal ng kanyang bayan.
Noong 1891, napangasawa ni Malvar si Paula Maloles, ang magandang anak ng capitan municipal ng Santo Tomas, na si Don Ambrocio Maloles. Si Don Ambrocio ang naging kapalit niya bilang capitan municipal. Higit na kilala sa kanila si Paula bilang "Ulay", isinilang niya ang kanilang labintatlong anak, subalit labing-isa lang ang nabuhay. May ugali si Malvar na dalhin ang kanyang mag-anak kasama niya kapag siya ay nagpupunta sa mga labanan noong kasagsagan ng himagsikang Pilipino at noong digmaang Pilipino-Amerikano.
Magkaibigan sina Malvar at Jose Rizal pati ang kanilang mga pamilya. Inayos ni Doktor Rizal ang bingot ng asawa ni Malvar, at pinahiram ni Saturnina Rizal ng 1,000 piso si Malvar bilang paunang puhunan upang makapagsimula ng ikabubuhay. Ang asawa ni Saturnina, na si Manuel, ay kamag-anak ni Malvar, at ang anak na babae ni Soledad Rizal Quintero ay naging asawa ng panganay na anak na lalaki ni Malvar, na si Bernabe. Kasamahan din ni Paciano Rizal si Malvar sa himagsikan.
Tulad ni Macario Sakay, si Malvar ay isa sa mga naunang Katipunero. Nang magsimula ang Rebolusyon noong Agosto 1896, nagsimula siyang pamunuan ang 70 na katipunero hanggang sa naging komander ng militar ng Batangas. Bilang kumander ng militar, siya ay nakikipag-ugnayan ng mga opensiba kay Heneral Emilio Aguinaldo, pinuno ng rebolusyonaryo sa Cavite at Heneral Paciano Rizal, pinuno ng rebolusyonaryo sa Laguna. Minsan siyang nakipaglaban kasama ni Heneral Edilberto Evangelista, ang kanyang senior opisyales noong labanan sa Zapote Bridge, kung saan namatay si Evangelista noong Pebrero 17, 1897. Sa paghalili sa tropa ni Evangelista, itinatag ni Malvar ang kanyang sariling punong tanggapan sa Indang, Cavite kung saan siya ay nanatili hanggang sa naganap ang Tejeros Convention.
Matapos ang Tejeros Convention, kung saan nanalo si Aguinaldo bilang Pangulo, pinili ni Malvar na pumanig kay Supremo Andres Bonifacio. Bilang tugon sa suporta ni Malvar, nagbigay tulong si Andres Bonifacio sa kanilang pakikipaglaban. Dahil sa malapit na ugnayan nina Malvar at Bonifacio, nagpasya si Aguinaldo na gamitin ang kanyang bagong posisyon upang mailagay ang Batangas, pati na rin si Malvar, sa ilalim ng kanyang nasasakupan. Nagbanta din si Aguinaldo na paparusahan si Malvar kung hindi niya puputulin ang ugnayan kay Bonifacio, ngunit hindi ito nangyari. Bagkus, si Bonifacio at ang kanyang kapatid na si Procopio ay dinukot at pinatawan ng parusang kamatayan noong Mayo 10, 1897 sa Maragondon.
Noong Disyembre 15, 1897 nang malagdaan ang Kasunduan sa Biak-na-Bato sa pagitan nina Governor-General Fernando Primo de Rivera ng Espanya at Emilio Aguinaldo, na nagpapatigil ng rebolusyon kapalit ng salapi at pagpapatapon sa Hong-Kong.
Si Malvar, kasama ang ibang heneral tulad ni Paciano Rizal, ay sumasalungat sa Kasunduan sa Biak-na-Bato, sa paniniwalang ito ay isang estratehiya ng mga Espanyol upang mapuksa ang rebolusyon nang madalian, at dahil dito nagpatuloy sila ng mga opensibang militar. Si Aguinaldo, na nakita ang mariing na pagtutol nila Malvar, ay naglabas ng isang kautusan sa mga heneral na itigil ang pakikipaglaban. Noong Enero 6, 1898, sila Malvar ay huminto sa kanilang mga opensiba.
Noong Hunyo 12, 1898, idineklara ang kalayaan ng Pilipinas mula sa kolonyalismo ng Espanya. Ngunit Agosto, 1898, ng simulang sakupin ng mga Amerikano ang Maynila.
Noong Pebrero 4, 1899, nagsimula ang mga labanan sa pagitan ng mga Amerikano at Pilipino. Noong ika-7 ng Pebrero, si Malvar ay hinirang na pangalawang kumander sa ilalim ni Heneral Trias, ang pangkalahatang kumander sa timog Luzon. Noong ika-23 ng Pebrero, kinailangan ni Heneral Antonio Luna si Malvar para sa isang ganting-salakay upang mabawi ang mga teritoryo sa Maynila. Ngunit, ang opensiba ay nabigo dahil sa pagkasuwail ng mga tropa sa Kawit. Sa mga sumunod na buwan, gumawa si Malvar ng mga opensiba sa mga tropang Amerikano sa timog ng Maynila. Noong Hulyo 1899, nasakop ng mga Amerikano sa ilalim ng General Robert Hall ang Calamba, Laguna. Sa humigit-kumulang 2,000 mga sundalong Amerikano sa bayan, hindi nagtagumpay na makubkob ni Malvar ang Calamba na tinangka niya mula Agosto hanggang Disyembre 1899.
Nadakip si Aguinaldo noong Marso 23, 1901, ni Heneral Frederick Funston sa tulong ng mga Macabebe. Si Heneral Trias, na napili ni Aguinaldo na humalili sa kaniya ay nauna ng sumuko noong Marso 15, 1901. Samakatuwid, bilang sumunod sa pinakamataas na pinuno, si Malvar ang sumunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Kinumpirma ng Hong-Kong Junta ang awtoridad ni Malvar sa paghalili kay Aguinaldo. Habang hinahalili ang mga gawain bilang pangulo ng Republika, muling inayos ni Malvar ang mga puwersa sa katimugang Luzon at pinalitan ang pangalan bilang "Hukbo ng Paglaya." Inayos din niya ang mga kagawaran ng rehiyon ng Republika, kasama ang mga isla ng Marianas bilang hiwalay na lalawigan.
Noong Enero 1902, si General J. Franklin Bell ng Amerika ay namuno ng mga operasyon sa Batangas at nagsagawa ng mga pagsunog sa mga lupa na nagdulot ng mabigat na pasanin sa mga gerilya at sibilyan. Nakatakas si Malvar sa mga ronda ng Amerikano sa pamamagitan ng pagbabalatkayo-sa-mukha. Sumuko siya kay Bell noong Abril 13, 1902 sa Rosario, Batangas, dahil na rin sa pagkalas ng kanyang mga opisyales at upang wakasan ang pagdurusa ng kanyang mga kababayan.
Matapos ang digmaan, tinanggihan ni Malvar ang anumang posisyon na inalok sa kanya sa pamahalaang kolonyal ng Amerika. Namatay si Malvar sa Maynila noong Oktubre 13, 1911, dahil sa sakit sa atay. Siya ay inilibing sa kanyang bayan, Santo Tomas, Batangas.
mga sanggunian:
• History of the Filipino people, ni Teodoro A. Agoncillo (1990).
• The Philippines: A Past Revisited, ni Renato Constantino (1975).
• The Philippines: A Unique Nation, ni Sonia M. Zaide (1994).
• Miguel Malvar and the Philippine Revolution, ni Doroteo Abaya (1998).
• Malolos: The Crisis of the Republic, ni Teodoro Agoncillo (1960).
• Philippine History and Government, ni Gregorio F. Zaide (1984).
• General Miguel Malvar @ www.malvar.net