DULA ni Necias Chaves Pataunia
CALLE MAYOR. Ayun sila, ang mga kabataan ng bayan. Kuyog-kuyog sa harapan ng Misyang Bakery na nakalagak sa pangunahing daan o kung tawagin ay calle mayor. Sa tindahang pag-aari ni Misyang Dural Palad matatagpuan ang pinakamalaking hurno ng pandesal sa Tayabas. Masdan sila at pawang nag-uunahan sa pagsasalansan ng umuusok pang tinapay. Inilalagay nila ito sa kahon na nasasapinan ng kulay kapeng papel. Maya-maya’y hahangos sila sa dako ng mercado, sa duluhan ng Mateuna, doon sa daang pa-Lucena, sa kalye patungong Lucban at sa lugar ng Munting Bayan na papuntang Sariaya.
Doon sa silangan, sa Castillo ng Pagbilao ay marilag na namimitak ang araw. Kumakatok na ang umaga. Samantala, ang mga Tayabasin ay tila nahihimbing at masayang idinuduyan ng sariwang hangin. Sino nga ba ang babangon upang buksan ang pinto at hayaang tumuloy ang umaga? Ay, ang mga kabataan ng Tayabas, malayo pa’y sinasalubong na nila ang magandang dilag - - - ang umaga!
“Ayy ti-nna-poy sa Misyanggg!”
Sigaw ng isang bata. Biglang nabasag ang katahimikan. Biglang sumambulat ang bagong araw. Una ay isa, pagkuwan ay dalawa… tatlo hanggang tuluyang mapuno ang bayan ng nakatutuwang sigawan.
Ang mga tagalako ng pandesal, ng paputok o tinapoy kung tawagin ng Tayabasin, sila ang mga kabataan na naghahawi sa dilim. At ilang sandali pa’y liwanag.
Sa tanghaling tapat, doon din sa calle mayor, sa harap ng Cine Aurora na pag-aari ng pamilya Joseph, mga Hudeo na taga- Sariaya, ay may pagkainip nilang hinihintay ang pagbubukas ng sinehan. Bob Steele’s Whole Serial, mga kuwentong Cowboy ang palabas.
Matapos ang panunuod ay walang patlang ang istoryahan tungkol sa bidang si Bob Steele. Ang kuwentuhan ay hahantong sa Nakoy Restaurant o dili kaya’y sa pansitan ni Intsik Bona. Tawanan. Biruan. Tuksuhan habang lumalantak o humahabhab ng pansit. Ang iba’y kumakain ng arroz caldo o binanging saging. Samantala, doon sa Nipa Shack at maging sa Split Restaurant ay impit ang tawanan ng mga kadalagahan habang kumakain ng batikuling, malamig na halo-halo noong hindi pa nagkakadigma.
Maraming lalaki kapag nangingibig,
Lupa ay pangako sampu pa’y ng langit;
Tanging ikaw lamang ang laman ng dibdib
Bago pala’y sampu, dalagang iniibig.
ORASYON. Umaalingawngaw ang kampana ni San Miguel. Isang matipunong katawan at may nag-uumapaw na galak ang bumabagting sa lubid doon sa La Torre. Ang tunog ng kampana ay mistulang tinig ng mga walang malay --- nagsusumamong sila’y handugan ng dasal. Kumakaway papalayo ang maghapon. Namamaalam ang ngayon.
Sa calle mayor ay dahan-dahang silang lilisan. Ang mga naiwan ay makikitang itinataas ang switch ng mga ilaw sa poste gamit ang mahabang kawayan. Ayun sila, mga kabataan na nagsasara ng telon. Natapos na ang dula sa maghapon.
Sila nga yaong mga kabataan bago sumiklab ang digmaan noong 1941. Sila ang tuwirang saksi kung kailan, saan at papaano ito naganap.
Mga tagalako ng pandesal, tagabagting ng lubid ng kampana ni San Miguel. Sila rin yaong mahiligin sa sineng Cowboy. Lumalantak ng pansit-habhab at batikuling. Sila --- ang mga sumasalubong sa umaga.
Samantala kapag gabi , sa silong ng libu-libong bituin... doon sa patyo ng simbahan ...dito nila binibigkas ang mga tula, inaawit ang bukas:
Magigi akong titser kagaya ni nanay.
Magtatrabaho ako sa Maynila, sa PNR, gusto kong sumakay sa tren, mamasyal..mula sa Paco ay papunta sa Lucena...diretso sa Hondagua, Tagkawayan..sa Bicol.
Ako...dito na lang ako sa Tayabas...walang katulong si itay sa tubigan. Ako ang alalay niya sa pag -aani, pagko-kopra.
Isang malaking tindahan ang aking itatayo. Yung lahat ng gamit sa bahay ay makikita dun..repinado, mantikilya, asin, panutsa, gas na pansindi sa kalan, kalburo para maka pangilaw ng hito, banak at mga hipong ulang!
Magaasawa ako...pakakasalan ko si Auring at magkakaroon kami ng madaming anak. Walo seguro. Yung panganay na lalake ay magiging sundalo, kapag babae eh komadrona. Isusunod ko sa mga santo ang kanilang mga pangalan ...gaya ng mga santo sa Tayabas... Miguel, Diego, Roque , Domingo...Francisco. Dolores...Angela kapag babae...Aurora...
Ayy kabataan.
.............................................................................................................
Sadyang pinabilis ng giyera ang orasan. Ang santaon ay naging sandali. Wari'y kumurap ang mga pangyayari. Mabilis. Pumutok. Sumambulat ang kaganapan -- karuwagan at kabayanihan, kabiguan at tagumpay. Umiral ang takot, lumukob ang pighati. Isinakdal ang kagimpan. Piniit ang kamusmusan. Buhay...kamatayan.
.............................................................................................................
Sa silangan ay namimitak ang araw. Idinuduyan ng sariwang hangin ang buong kabayanan. Marami ay nahihimbing. Yung ilan ay pilit na gumigising na wari'y alimpungat. Mumukat-mukat ang pangarap.
Samantala sa calle mayor, sa harapan ng tindahan ng pandesal, ng paputok o tinapoy kung tawagin ng mga Tayabasin..ngayo'y mga anino ang naggagayak doon... ng panibagong dula sa maghapon.
"Ayy ti-nna-poy sa Misyanggg."
TALA: Unang nalathala sa souvenir program ng SUSI NG TAYABAS (Sanayan at Ugnayan sa Sining sa Ikauunlad ng Tayabas) noong 1988 nang itanghal ang dulang Huling Hagbong na akda at direksyon ni Orlando R. Nadres. Muling sinulat ang sanaysay taong 2021, araw ng linggo ika-8 ng Agosto.