Monday, May 3, 2021

 

ANG HAGDANG BATO NG BARANGAY PANDAKAKI

          Ang Hagdang Bato na ito ang nag-uugnay sa Barangay Pandakaki at Barangay Wakas sa Bayan ng Tayabas.

          Ayon sa salaysay ni Dolores Durana, ang istrukturang ito ay itinayo noong dekada sitenta (1960s) sa panahon ng panunungkulan ng kanyang Amamang Jose Javal bilang noon ay Punong Nayon ng Barangay Pandakaki.

          Noong wala pa ang Hagdang Bato, ang mga tao ay dumadaplas o umaakyat sa pamamagitan ng pagkapit lamang sa mga ugat ng mga puno sa tuwing dumaraan sa lugar na ito kaya naman naisipan ni Amamang Jose na gumawa ng hagdanan gamit ang mga bato mula si Ilog Dumacaa.

          Nagyaya ng inuman si Amamang Jose sa kanyang mga kanayon at doon niya unang inihayag ang kanyang ideya na gumawa ng isang hagdang bato. Nang sumunod na linggo ay nagyaya naman siya ng mukmukan at muli ay dito niya inulit ang ideya na sila ay gumawa ng isang hagdang bato.

          Kaya naman isang bayanihan ang naganap sa pamumuno ni Nory Durana na noon ay Pangulo ng United Boys and Girls Club, mga kabataan ng Barangay Pandakai at Barangay Wakas at mga propitaryo nito.

          Tuwing araw ng Sabado sila ay nakalinya mula sa may ilog hanggang sa itaas ng hagdan at pinagpasa-pasahan ang mga bato at sa loob ng isang araw ay nakakagawa sila ng apat na baytang. Hindi nagtagal ay humiling din sila ng karagdagang tulong sa noon ay Alkalde ng Tayabas na si Mayor Carmelo Nadera para sa kanilang itinatayong hagdang bato.

          Nang matapos ang Hagdang Bato ay mayroon itong kabuuang isang daa’t limang (105) baytang at nagkaroon din ito ng inagurasyon na dinaluhan ni Mayor Carmelo Nadera at ng Sangguniang Bayan ng Tayabas.

          Sa ngayon ay walumpung (80) baytang pa ang natiitra sa hagdang bato na ito at napakalaki talaga ng naitulong nito sa mga mamamayan ng Barangay Pandakaki at  Barangay Wakas pagdating sa transportasyon at lalo sa mga mag-aaral ng araw-araw dumaraan dito upang makapasok sa paaralan sa loob ng mahigit animnapung (60) taon.

 


Ang Hagdang Bato ng Barangay Pandakaki.

 


Kgwd. Irene Javal, Kgwd Ramil Javal, Michael Vincent Pabulayan, 

Ogie Mabuting at Mariel Mabuting.

 

 

Ang paaralan kung saan pumapasok ang mga mag-aaral mula sa Barangay Pandakaki na dumadaan sa Hagdang Bato.


Panayam kay Dolores Durana (kaliwa) kasama sina Mariel Mabuting at Michael Vincent Pabulayan.