Thursday, April 29, 2021

 

Excerpt from MR. KOKO PATAUNIA (OIC-Cultural Heritage Preservation Office/OST-THG Board of Trustee) Speech:

Bago po ako magsimula ay nais ko po munang bumati sa ating mga butihing panauhin:

Narito po ang ating Punong Lungsod: Mayor Ernida Agpi Reynoso

Narito rin po ang ating Pangalawang Punong Lungsod:

Kgg Manuel Victorio T. Maraig

Para naman po sa ating mga kagalang galang na konsehales ng lungsod:

Kgg. Dino Romero

Kgg. Julius Luces

Kgg. Sergio Caagbay    

Kgg. Phaula Nadres

Kgg. Luzviminda Cuadra- na siyang chair ng komitiba para sa turismo at cultural

Kgg. Farley abrigo

Kgg. Priscilla Glorioso

Kgg. Marfeo Jacela

Kgg. Marcedita Reyes

Kgg. Filemon Villanueva

Naririto rin po and PKB Pres natin, Kgg. Ricardo Queaño

At ang SK president natin, Kgg. Art Tristian Pontionso

at ang Executive Assistant ma’am LOVELY REYNOSO PONTIOSO.

Sa mga nariritong mga pinuno ng tanggapan, mga section heads at sa kapwa ko kawani ng lungsod ng Tayabas…

Isang magandang umaga po at makasaysayang araw po sa ating lahat.                           

SA ARAW NA ITO, ika-dalawampu’t pitong ng Abril ay ginugunita sa buong Pilipinas ang makasaysayang pangyayari na naganap sa Mactan. Na kung saan buong giting, tapang, at kabayanihan ang ipinamalas ng mga katutubo sa katauhan ni Lapu Lapu. Sa pag tatanggol sa kasarinlan at Kalayaan ng katutubong lupain laban sa mga kastilang dayuhan.

SA ORAS NA ITO, ika-walo ng umaga ay ginugunita sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng pag aalay ng mga bulaklak bilang handog sa kadakilaan ng ating mga bayani. Dito sa Tayabas, sabay sabay ang seremonya ng pag gunita- pag aalay ng mga bulaklak sa mga bantayog ni JOSE RIZAL at Manuel Luis Quezon, Sa bantayog ni Jose Abad Santos, na nakalagak sa kalapit na gusali ng mga kapatid na Mason, sa bantayog ng taaw sa trese de Agosto, sa monumento ni Apolinario Dela Cruz sa Isabang.

Limandaan taon na ang lumipas simula noong 1521. Buwan ng Marso ng dumaong ang barkong Trinidad na pinamumunuan ni Fernando Magallanes o Ferdinand Magelan. Naglayag sila pa espanya sa atas ni Haring Felipe upang tuklasin, alamin, saliksikin, at ihasik ang pananampalatayang Kristiyano sa dakong silangan ng mundo.

Noong ika dalawampu’t isa ng Marso, dumaong ang mga dayuhan sa Mactan, Cebu at dito unang nag tagpo ang mga katutubo at dayuhang kastila. Makalipas ang isang buwan, noong ika-dalawampu’t pito ng Abril nanaig ang nasang ipag-tanggol ang kasarinlan at kalayaan ng mga katutubo, laban sa mga kastila. Nag aklas ang mga katutubo, ipinagtanggol ang mga lupain, dumanak ang mga dugo, at napaslang ni Lapu Lapu si Fernando Magallanes.

ITINALA SA KASAYSAYAN ang ika-dalawamput pito ng Abril taong 1521 bilang kaunahang pagtatangka ng mga katutubo na ipagtanggol ang sariling lupain.

ITINALA ito bilang UNA…. At MATAGUMPAY na pakikipaglaban ng mga Pilipino laban sa mga mananakop na dayuhan.

Sa paglipas ng panahon dahilan na rin sa lakas at makabagong pamamaraan pang digma at kasama na rin ang mga paring nangangaral ng Kristiyanismo, lumawak ang sakop ng mga dayuhang kastila. Limampu’t pitong taon ang lumipas mula noong 1521, noong 1578 naman nakarating ang mga dayuhan sa TAYABAS, NA ATING LUPAIN. Inihasik ang aral ng Kristiyanismo, nagtayo ng simbahan at makalipas pa ang ilang panahon, itinatag ang gobyernong sibil.

Sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano ay sina Padre Juan de Plasencia at si Padre Diego de Oropesa, mga misyonaryong pransiskano ang unang NAGPUNLA ng binhi ng pananampalatayang Kristiyano dito sa atin. Samantala, Si Don Lucas Plata naman ang siyang tinanghal na unang Mayor o Gobernadorcillo ng bayan ng Tayabas.

IYON PO ANG SIMULA. Ang binhing inihasik ay umusbong at naging isang matibay at malusog na punong kahoy. Ang kabayanihang ipinamalas ng ating mga ninuno ay nag bunga ng kasarinlan, Kalayaan, at mga tinatamasang kaunlaran natin ngayon.

Sa mga lumang gusali na naitayo kagaya ng Casa Comunidad, ang maringal na simbahan ng San Miguel Arkanghel, ang munting simbahan o Ermita ng Angustias, Santuario de las Almas, mga Kampo Santo, sa mga adobeng tulay at bambang. Sa lahat pong ito ay mababanaag ang isang dakilang kasaysayan NG MGA PILIPINO, NG MGA TAYABASIN.

Ang tanggapan po ng City Administrator, sa pamumuno ni GINOONG DIEGO V. NARZABAL na may saklaw nang seksyon ng City Museum at Cultural Heritage Preservation Office ay lubos na nakikiisa sa  pag gunita ng dakilang araw na ito.

Maraming Salamat po!











Friday, April 9, 2021

Puente de Don Francisco de Asis Clean-Up/ Trimming Brgy. Calumpang, Tayabas City. Abril 9, 2021 (Biyernes)

Sa ganap na ika-walo ng umaga (8:00am), naisagawa ang ikalawang beses ng paglilinis ng Puente de Francisco De Asis. Sa pangunguna ng OST- Tayabas Heritage Group, sa Tayabas Rescue Response Team Inc. (TRRT Inc.) na nanatiling nakasuporta sa kabila ng pagiging boluntaryo at ang hinahangad lamang ay makatulong sa adhikain at layunin hindi lamang sa aming organisasyon kundi pati na rin sa Lungsod ng Tayabas at kalapit bayan nito. Sa suporta ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) na nag pahiram ng ilan sa kanilang mga kagamitang proteksyon na bukal sa kanilang kalooban, dahil dito naisagawa ng mabilis at maayos ang aktibidad.
Nag kaisa ang puwersa ng dalawang organisasyon at nag tulong-tulong upang matapos ito ng maayos. Naging mahusay ang ipinakita ng bawat isa, ngunit sa kalagitnaan at tirik na araw habang ginagawa ni Sir Francis Bebida ang kanyang buwis- buhay na tungkulin nag karoon ng di inaasahang insedente. Kabilang siya sa puwersa ng Tayabas Rescue Response Team Inc., na ngayon ay nasa mabuting kalagayan at kasalukuyang nag papagaling. Sinigurado ng grupo ang kaniyang kaligtasan kaya't bago pa man mangyari ang aksidente ay nakasuot siya ng safety helmet at safety gears, dahil dito hindi siya napuruhan ngunit nag-taglay siya ng ilang sugat at gasgas. Matapos lapatan ng pangunang lunas ay naisugod siya sa pinaka malapit na pagamutan para masigurado ang kanyang kaligtasan. Habang siya ay ginagamot at sinusuri ng mga espesyalista ipinag patuloy ang aktibidad kasama ang mga naiwan na miyembro.
Sa gabay ng Poong Maykapal napag-tagumpayan ng maayos ang aktibidad at ligtas ang bawat isa, nawa po ay maging aral ang mga pangyayaring ito sa ating lahat. Hindi lamang po sa ganitong uri ng panahon dapat mag suot ng tamang proteksyon sa katawan kundi sa lahat ng pag kakataon, lalo na sa kasalukuyan nating hinaharap na pandemya. ⛑️🤕🙏🧏👷
✍️ Angela Escosia
📸 IAB/AE/MVP